Pasiklaban
Kung itatapat mo ang iyong palad sa tapat ng aking puso, mabilis ang pintig nito na parang anumang oras, mararamdaman mo din ang aking nadarama. Yanong ige mandin sa pakiramdam.
Halos isang buwan nang buksan ko sa sambablog ang pasiklaban. May mga kinulit ako para sumali, merong ibang blogger naman ang nakiusap para ang ibang blogger ay makilahok din. Lumawak, dumami,sumaya, naging buhay at makabuluhan ang pasiklaban. Sa mga nakiisa dito, hindi sapat ang pasasalamat ko pero ito lamang ang kaya kong gawin bukod sa magiging loyal pa akong tagasubaybay ng inyong mga kaalaman. Ang mga natutunan ko sa inyo ay:
- Pagmamahal, tunay ngang ang pusong pumipintig ay kayang humabi ng salitang kaibig-ibig.
- Pag-ibig, sa bayan, sa sarili, sa kapuwa, sa pamilya at sa Diyos.
- Nasaling ko ang hinanakit, paghahanap,galit,pagkukulang,pagtataka,pagkabagot at pag-iimbot na siyang nagpapatunay na sa buhay kailangang maramdaman ang kulang upang matutong maghanap ng paraan. Nandito sa mga sulatin ninyo ang pag-asa, ang lawak at tayog ng inyong pangarap, pansarili man o para sa mas higit na nakararami.
Tinuruan ninyo akong mas mangarap pa. Sa dami ng entries na aking natanggap, pwede nang gawing libro. Gusto ko ang planong ito pero hindi pa sapat ang aking kwarta. Buhay pa ako, hindi pa namamatay ang pag-asa ko. Kung sakali, papayag ka bang isama ko ang iyong gawa? Pwede na itong ipamana sa susunod na henerasyon.
Ang balak ko, ang akdang mananalo ay siya kong poste,pero napag-isip isip ko na gawan na lamang ito ng isang pahina na magtatagal ng isang taon dito sa aking kuta. Huwag ka sanang madala na sumaling muli. Mga sambablog, puntahan ang pahina na pinamagatang KAMALAYANG MALAYA, doon makikita ninyo ang mga puntos na inyong nakuha sa pasiklaban.
Ang Aking Kaarawan.
Umaapaw na ang aking kaligayahan.Nadatnan ko kahapon ang isang printed greetings na nakapost sa wall ko, from my princess daw.Ang mga mainit-init na yakap ng mga katrabaho, ehem..ehem, mabait ako. Sa countdown ni Kuhra, putragis na tikbalang…nabubuhay ang katawang lupa ko. Ang ode ni Yin, kahit balahurado, pinag-aksayahan ako ng panahon. Ang tawag ng isang tatlong taong bata para batiin ako, napakalinamnam at dinagdagan pa ng isang boses anghel na si Aninipot, inawitan niya ako ng “ You are my Song”, pasensiya ka na muna Tapa pero huwag kang mag-alala, kapatid ko ‘yan kaya..umayos ka, tutuliin ka namin. May isang virtual personalized card si Tutubi, si Gaylee na may mensahe sa akin pero wala akong converter. Ang aking mga pamangkin na siyang gumising sa akin kaninang umaga, may pinasiklab din, mga mensahe ng pasasalamat. Ang nakakatouch dito ay ang mensahe ng aking pamangkin na medyo hinahanap pa ang kaniyang lugar sa mundo, katulad mo’y nagiging pasaway din dulot ng pagiging kabataan niya, isang paumanhin lamang, panatag na ako. May kasama pala ang personalized card, isang personalized T-shirt na may tatak na WE LOVE UNCLE J.
Ang mga pagbati sa Facebook at sa iba pang social networking sites, ang mga dasal na alay ni Echos at Pong at sa lahat ng mga lumuhod sa altar upang isama ang aking pangalan sa inyong pakikipag-usap sa Lumikha, maawa naman kayo, baka maging close na kami ni Bigbro. Bigbro…friends tayo ha? Ayaw ko muna si San Pedro, di ko siya trip na makasabong for now.
Sa kabila ng pagiging suplado ko, aaminin ko sa inyo…malambot talaga ang puso ko pero kapag kinakailangang maging matigas, huwag mong asahang kaya mo akong gibain dahil mas lalagyan ko ng pader ang aking sarili, huwag lamang akong mabuwal.
Ngayong araw na ito, mas espesyal ang pagiging mamamayan ko, binuhay na muli ang natutulog kong pag-asa para sa bayan. Hindi naman natin kayang gawing paraiso ang Pilipinas pero naniniwala pa rin ako na sa isang tulong mo at kung may maaakay kang kapuwa Pilipino para maniwalang muli…kayang kaya nating maging Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa. Ikaw na binigyan ng karunungan kaysa sa iba ay may malaking maitutulong….huwag mo sanang biguin ang ating mga anak, ang mga susunod na salinlahi ng bayang ito. Tayo ay simpleng Pilipino lamang, nakikisaya sa panahon ng pagkagalak at nakikiramay sa panahon ng pangangailangan.
Ipagpatuloy natin ang mahika sa mundong ito.
Kung ang salitang mahal kita ay sapat na…MAHAL KITA.
Sa mga grupo/taong nag-imbita sa akin para ipagdiwang ang aking kaarawan, wala na naman akong tinanguan, huwag sana kayong mamuhi sa akin. Ipinapaabot ko ang aking pasasalamat dahil sa dami ng taong pwedeng pag-ukulan ng atensiyon, ako pa.
Sambablog, gumawa tayo ng desisyon. Maghahati ba sa panalo si Papajex at Duking o magpapasiklab pa silang muli? Tingnan ang kabuuang resulta ng patimpalak sa pahinang Kamalayang Malaya.